MM
Bituin, madilim ang paligid
nang simulang tahakin
panandaliang sinilid
pangamba at panganib
Payapa, dinig ang pagaspas
ng mga dahon at kulisap
pagkasabik ay tumakas
umaapaw na dagitab
Hangin, pawis ay tagaktak
sa'ting palad at kalamnan
bantay ang bawat yapak
sabay ang hinga at hakbang
Bato, bato, ano ang kwento
ilaw o dilaw, mababaw o malalim
sa kabila ng anyo ay may tinatago
tiwasay at banayad na sariling lihim
Bundok, walang katiyakan
kapit, takbo, lundag
hamog, bayabas, luntian
sa init at lamig, hindi nagpatinag
Matayog, ang diwa ay nasa ulap
mga paa'y dikit sa lupa
damdamin ay napukaw
ninamnam ang hiwaga.
—-
A poem about my recent hike in Mt. Batulao. I enjoyed writing this one because it’s been a while since I composed something in my native language.
Comments